Sunday, January 27, 2008

Nobenta Pesos



Ayon sa napag-aralan ko sa Market1 (Basic Marketing), ang presyo ng isang bagay ay sumasalamin sa kalidad nito. Kaya’t inihanda ko ang sarili ko noong dumating ako ng Ilustrado Restaurant para bumili at kumain ng nobenta pesos na ice cream. Alam kong ang baryang gagastusin ko noong araw na iyon ay may naghihintay na kapalit. Nang iniabot na sa akin ang sampaguita ice cream na inorder ko, ninamnam ko na lang muna ito, tinitigan at kinunan ng larawan na pwede kong ibahagi sa aking multiply site bago pa ito matunaw. ‘Di naman nagtagal, kinain ko na rin ito. Sandali lang ang pagsubo ng ice cream. Sa katunayan, kaya na itong ubusin sa isang subuan. Pero syempre, para sosyal ang dating, dinahan-dahan ko itong kainin. Masarap naman siya—lasang sampaguita. Kung ano ang lasa ng sampaguita, hindo ko alam. Sabi sa akin ng kasama ko, amoy sampaguita lang daw iyon. Kaya napaisip tuloy ako. Pwede sigurong pumitas na lang ako ng sampaguita sa garden namin sa bahay at isuksok ko sa ilong ko habang kumakain ng kung anu-ano para gawin itong sampaguita flavor. Isipin mo na lang may sampaguita flavor na ang kanin mo. Pwede mo nang i-relaunch ang karinderya mo. Ang nakaugaliang longsilog ay magiging longsalog na. Sulit naman ang nobento pesos, ‘di ba? Nalagyan na ng konting laman ang tiyan mo, nakakain ka na ng ice cream na lasa—o amoy—na sampaguita, nakaisip ka pa ng bagong ideyang pwedeng ihanda sa karinderya mo. At hindi lang ‘yon, may libreng pandan flavored tubig ka pa. Napaisip tuloy ako ulit. Parang gusto kong manghingi ng pandan leaves sa kapitbahay namin.

0 comments: